Abot sa P103.3 million na halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia ang nasamsam ng mga pulis sa mga hiwalay na anti-smuggling operations sa Region 9 nitong nakalipas na apat na buwan.

Ito ay ayon mga hiwalay na pahayag nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Roel Rodolfo, director ng Police Regional Office-9, at mga local executives sa rehiyon na tumutulong sa kampanya ng PRO-9 laban sa cigarette smuggling sa tatlong probinsya at limang lungsod na sakop nito.

Nasa kustodiya na ng Bureau of Customs ang mga imported na sigarilyong nasamsam nitong nakalipas na apat na buwan ng mga units ng PRO-9 sa mga probinsya ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at sa mga lungsod ng Zamboanga, Dapitan, Dipolog, Pagadian at Isabela.

Malaki ang naitulong ng mga lehitimong mga cigarette dealers at mga local government officials sa pagkakumpiska ng P103.3 million na mga sigarilyong gawa sa Indonesia na ipinasok sa Region 9 ng mga smugglers mula sa Sulu at Tawi-Tawi gamit ang maliliit na sasakyang pandagat.

Ayon kay Rodolfo, may ilang sasakyang pandagat na gamit ng mga smugglers na nasabat ng kanilang mga operatiba ang nasa kustodiya na ng mga police units sa mga coastal towns at mga detachments ng Philippine Coast Guard. (May 8, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *