Nag-alok ng P100,000 reward ang local government unit ng Calatagan sa Batangas para sa makapagtuturo sa mga pumatay sa Maguindanao del Sur ng tatlong taga-deliver ng mga hybrid na kambing mahigit tatlong linggo na ang nakakalipas

Naglabas ng official statement ang municipal government ng Calatagan hinggil sa alok na reward nitong Miyerkules na naiulat na ng mga media outfits sa probinsya at sa Metro Manila nitong Biyernes.

Sa mga naunang ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang mga napaslang na sina John Luis Olarte, 23-anyos, ang kanyang pinsan na si Gerry Aducon Olarte, 32-anyos, at ang 37-anyos na si Ronald Ravino Alumno, ay malinaw na nalokong may bibili sa kanila ng mga hybrid na kambing sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur kaya sila tumungo doon, sakay ng Mitsubishi L300 delivery van, upang maghatid ng ilan nito at doon na sila tuluyang nawala.

Sa pagtutulungan ng mga residente at ng Shariff Saydona Mustapha Municipal Police Station, natagpuan ang tatlo nitong May 30, 2025 na nakalibing sa isang mababaw na hukay sa Sitio Goma sa Barangay Nabundas ang tatlo, nakagapos ang mga kamay sa likuran, may mga tama ng bala sa ulo.

Nag-ulat sa PRO-BAR ang ilang mga kasapi multi-sector Shariff Saydona Municipal Peace and Order Council na dinukot ang tatlo malapit sa Nabundas Elementary School sa Barangay Nabundas, dinala sa Sitio Goma, kinunan ng kanilang cash collections mula mga transactions sa ibang mga probinsya dalawang araw bago sila nagawi sa Maguindanao del Sur.

Naiuwi ang kanilang mga bangkay sa Calatagan, isinakay sa isang Air Force C-130 plane mula sa Cotabato Airport sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte patungong Villamor Air Base sa Manila nitong Lunes, June 2, 2025. (JUNE 6, 2025)