Umiskor ang pinagsanib na mga operatiba ng mga awtoridad kasunod ng pagkakasamsam ng 155 kilong shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1-bilyon sa isinagawang pagsalakay sa isang abandonadong bahay sa Angeles City, Pampanga nitong Lunes, May 26, 2025, ayon sa ulat ng Pilipino Star Ngayon nitong Martes.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Isagani Nerez, ang matagumpay na joint operation ay isinagawa ng PDEA Intelligence Service, PDEA Regional Office-National Capital Region (NCR), PDEA Regional Office III, katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) Counterintelligence Group at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Isinagawa ang raid nitong Lunes ng alas-4 ng hapon sa bisa ng search warrant sa isang abandonadong bahay sa Orchid Street, Timog Hills Subdivision, Brgy. Pampang ng lungsod kung saan isang Chinese national na itinuturing na nasa likod ng sangkaterbang shabu ay kasalukuyan pang pinaghahanap.
Mistulang abandonado ang naturang bahay at wala doon ang target ng operasyon na diumano nagmamay-ari nito, ayon kay Nerez.
Sinabi ni Nerez na ang kontrabando ay nakalagay sa loob ng 155 transparent plastic bags na tumitimbang ng tig-isang kilo at nagkakaha¬laga ng P1,054,000,000.
Nauna rito, nakasamsam ang PDEA ng 35 kilo ng shabu sa buy-bust operation sa Angeles City kung saan isang Chinese national at kasabwat nitong Pinay ang nasakote ng mga awtoridad.
Inihayag ni Nerez na ang dalawang drug operations ay magkakaugnay kung saan sa isinagawang tracking operations sa mga indibidwal na konektado sa drug trafficking syndicates ay nasamsam ang bilyong halaga ng illegal na droga. (May 28, 2025, Pilipino Star Ngayon, Joy Cantos)
