Isang dealer na ayaw magpaaresto ang napatay ng mga pulis na kanyang nabentahan ng abot sa P1.7 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Sabado, October 11.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo ng local government officials at ng mga kasapi ng multi-sector Datu Odin Sinsuat Municipal Peace and Order Council, naglabas ng mga pistol ang 25-anyos na si Saidamin Saban Esmail at kanyang dalawang kasama at binaril ang mga pulis na kanilang ka-transaksyon kaya nagpalitan ng putok na nagsanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-naikasa ang naturang operasyon ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Lt. Col. Esmael Madin, sa tulong ng mga local executive ng naturang bayan.

Akmang dadakmain na sana ng mga tauhan ni Madin ang mga suspects sa kanilang isinagawang entrapment operation hindi kalayuan sa campus ng isang state university sa sentro ng Datu Odin Sinsuat ngunit bumunot sila ng mga baril kaya nagka-engkwentro.

Nakatakas ang dalawang kasama ni Esmail, pansamantalang nakilala lang na sina Mursid at Kadir, na target din sana ng naturang entrapment operation, ngayon parehong pinaghahanap na ng mga barangay officials at ng mga tropa ng Datu Odin Sinsuat police force.

Nasa kustodiya na nila Madin ang shabu na nasamsam sa naturang entrapment operation, nakatakda ng ipasuri sa crime laboratory ng isang police forensic unit sa Cotabato City, hindi kalayuan sa kung saan naganap ang entrapment operation na nagresulta sa pagkasawi ni Esmail. (October 12, 2024, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)