P1.3-M halaga ng shabu nasamsam sa Zambo

Arestado ang isang 28-anyos na lalaking nabilhan ng mga hindi unipormadong anti-narcotics agents ng P1.3 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Cawit sa Zamboanga City nitong Biyernes, September 27, 2024.

Kinumpirma sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo ng Zamboanga City Police Office at ng Police Regional Police Office-9 na naka-detine na ang suspect, si Khaiser Daris, naghihintay na lang na lilitisin sa korte kaugnay ng kanyang kinakaharap na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Siya ay agad na inaresto ng mga magkasanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 at mga kasapi ng ibat-ibang mga unit ng PRO-9 at Zamboanga City police force matapos siyang magbenta sa kanila ng 200 gramo ng shabu, nagkahalaga ng P1.3 million, sa isang entrapment operation sa Zone 7 sa Barangay Cawit.

Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, naikasa ang naturang matagumpay na entrapment operation matapos mag-ulat ang ilang mga local officials sa Zamboanga City hinggil sa illegal na gawain ni Daris na sangkot sa malakihang pagbebenta ng shabu sa lungsod at mga karatig na mga bayan sa Zamboanga Sibugay. (Sept. 29, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *