Nakumpiska ng mga kinauukulan ang abot sa P23 million na halaga ng shabu at tuyong marijuana na nakaimbak sa isang bahay sa Cabantian, Davao City nitong umaga ng Linggo, June 8, 2025.
Kinumpirma nitong Lunes ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation-11 at ng Police Regional Office-11 ang pagkakasamsam sa naturang anti-narcotics operation ng P17 million na halaga ng shabu at ng hindi bababa sa P6 million naman ng halaga ng marijuana sa isang bahay sa Emily Homes sa Cabantian.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Lunes, mga kasapi ng NBI-11, pinangungunahan ng abugadong si Arcelito Ablao, ang siyang lead group sa naturang search operation na suportado PRO-11, ng Philippine Drug Enforcement-11 at ikinasa batay sa ulat ng mga informers hinggil sa pag-iimbak ng mga narcotics sa naturang bahay.
Ayon sa mga residente ng Emily Homes, ang nakatira sa naturang bahay, pansamantalang hindi muna kinilala, ay nagpanggap na isang negosyanteng may lehitimong food supply at delivery business.
Wala ang mga gumagamit ng bahay bilang imbakan ng shabu at marijuana ng ni-raid ito ng mga NBI agents, ayon sa mga kinauukulan. (June 9, 2025)
