Home » Nurse ibinuwis ang buhay para sa pasyente

Nurse ibinuwis ang buhay para sa pasyente

Isinakripisyo ng isang lalaking nurse ang kaniyang buhay para sagipin ang isang pasyente matapos na ipananggalang ang katawan nito nang aksidenteng mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang ambulansiya para sa kahabaan ng highway ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte nitong Linggo, Pebrero 2.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jasper Alcala, emergency service nurse ng Pagadian City Medical Center.

Sa inisyal na ulat ng Lanao del Norte Police, ang biktima ay lulan ng ambulansya patungong Cagayan de Oro City upang dalhin ang isang pasyente nang aksidenteng mahulog sa bangin sa pababang bahagi ng matarik na highway ang ambulansya sa Brgy. Dableston, sa Sultan Naga Dimaporo.

Habang nahuhulog sa bangin ang ambulansya ay ipinanggalang ni Alcala ang kaniyang katawan sa pasyente na prinotektahan nito ng kaniyang mga kamay ang ulo ng huli upang makaligtas sa insidente.

“With profound sorrow, we confirm the passing of our beloved Nurse Jasper Alcala , who was declared dead on arrival at Sultan Naga Dimaporo Hospital following an ambulance accident,” pahayag ng Pagadian City Medical Center sa Facebook post.

Nakaligtas sa insidente ang pasyente habang ilan sa kanilang mga kasamahan kasama ang driver ng ambulansya ay nasugatan din sa insidente.

Samantala, maging ang Philippine Nurses Association sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ay nagluluksa sa pagpanaw ni Alcala.

Pinuri rin ng mga lokal na opisyales ang ginawang kabayanihan ng nasabing nurse.

“We give Jasper our sincerest salute. We are grateful to him. He did his job as a nurse, at the cost of his life. His commitment to saving the life of others, the life of his patient in that ambulance will never be forgotten,” pahayag ni Pagadian City Mayor Samuel Co kahapon. (February 4, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *