Nagpasalamat ang 10th Infantry Division nitong Martes sa mga nakatulong sa pagtunton sa isang New People’s Army leader na wanted sa 23 na mga kaso, napatay ng mga sundalo sa engkwentro nito lang Sabado.

Kinumpirma nitong Martes ni Army Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th ID, ang pagkasawi ni Elbert Echavez sa engkwentro ng kanyang grupo at ng mga tropa ng 67th IB, naganap sa Sitio Mendezona sa Rajah Cabungsuan sa Lingig, Surigao del Sur.

Sumiklab ang engkwentro ng paputukan nila Echavez, pinuno ng Sentro de Grabidad-Southern Mindanao Regional Committee ng NPA, ang mga sundalong pina-patrolya sa Sitio Mendezona matapos makatanggap ang 67th IB ng ulat mula sa mga local executives sa ibat-ibang bayan sa Surigao del Sur hinggil sa kanyang presensya sa naturang lugar, may kasamang 10 tauhan.

Si Echavez ay wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, arson, armed robbery, extortion at pagbebenta ng droga na nakabinbin sa mga korte sa Regions 13, 11 at 10.

Iniulat ng mga local officials sa Lingig na mabilis na tumakas ang mga kasama ni Echavez ng maubusan sila ng bala sa kanilang palitan ng putok sa mga tropa ng 67th IB, iniwan ang kanyang bangkay, M16 assault rifle at mga dalang improvised explosive devices.

Bilang paggalang, hinatid ng mga tropa ng 67th IB ang kanyang bangkay sa kanyang pamilya upang maipalibing ng maayos. (MAY 14. 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *