Wala ng buhay ng matagpuan ng mga emergency responders ang isang ina at kanyang babaeng anak na tinangay ng rumaragasang baha na tumama sa Sitio Kitay sa Barangay Salaman sa bayan ng Lebak sa Sultan Kudarat sa Central Mindanao nitong Biyernes.

Kinumpirma nitong Sabado ng Lebak Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga barangay officials sa Salaman ang pagkasawi sa naturang insidente ni Maila Juanito Manansala Pulido, 34-anyos, at ng kanyang 12-anyos na anak na si Mylene Pulido.

Sa ulat ng mga lokal na kinauukulan, tinangay ng malakas na agos ng flashflood ang mag-ina habang sila ay lilikas sana sa ligtas, mataas na lugar sa Sitio Kitay sa Barangay Salaman ng mapunang binaha na ang kanilang kapaligiran.

Parehong natagpuang wala ng buhay ang mag-ina ng mga barangay officials at mga local government rescuers na nagresponde sa insidente (May 24, 2025, handout image, obtained from Facebook)