Patay on the spot ang isang bagong nahalal na municipal councilor sa Datu Piang, Maguindanao del Sur, nabaril sa tapat mismo ng kanyang tahanan sa naturang bayan nitong hapon ng Miyerkules.
Kinumpirma ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pagkasawi sa naturang insidente ng 56-anyos na si Thong Mamasalanao Asim, na nahalal na municipal councilor ng Datu Piang nito lang May 12, 2025 elections.
Mabilis na nakatakas ang mga pumatay kay Asim, ayon sa ulat ng Datu Piang Municipal Police Station.
Inaalam pa ng mga local officials at ng mga imbestigador ng municipal police kung ang naturang krimen ay may kaugnayan sa pulitika, o resulta ng hidwaan ng biktima at ng mga salarin. (May 29, 2025)
