Patay ang isang pulis ng barilin ng isang lalaki na kanya sanang sisitain dahil sa pagwawala sa isang bahagi ng P. Del Pilar Street sa Barangay Poblacion sa Danao City sa probinsya ng Cebu nitong tanghali ng Biyernes, June 27, 2025.
Ang napaslang na pulis, si Patrolman Mark Gomer Ornopia, ay kasapi ng Danao City Police Station.
Siya at isang kasapi ng Bureau of Jail Management and Penology ay magkatuwang na nag-responde sa pagwawala sa Barangay Poblacion ng Danao City ng isang lalaking may bitbit na pistol na agad siyang binaril na nagsanhi ng kanyang paghandusay sa kalye.
Agad namang nabaril din ng kasama ni Ornopia na kasapi ng BJMP ang nagwawalang lalaki na agad ding namatay sa mga tama ng bala.
Nadeklarang dead on arrival si si Ornopia sa isang pagamutan kung saan siya isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Nangako ng sapat na ayuda ang Danao City local government unit at ang mga police officials sa probinsya ng Cebu sa pagpapalibing sa nasawing si Ornopia.
Makikita sa larawan ang nagwawalang lalaki na napatay ng isang kasapi ng BJMP matapos niyang mabaril ang pulis na si Ornopia na nagtangkang awatin siya sa pagwawala. Pumanaw si Ornopi sa isang hospital. (June 28, 2025, handout photo)
