COTABATO CITY (September 21, 2025) — Tatlo ang naaresto ng mga pulis nitong Sabado, September 20, habang dalawa pa ang pinaghahanap dahil sa pagpatay sa isang motoristang naaksidente at, sa halip na tulungan, ay pinatay, kinunan ng pera at inilibing sa mababaw na hukay.
Naganap ang pagpatay sa 35-anyos na motoristang si Daniel Navarro Datulayta sa isang lugar sa Barangay Bitu sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng nakalipas na linggo, September 15. Si Datulayta, isang construction worker, ay pauwi sana noon sa kanyang pamilya sa Barangay Kalawag 2 sa Isulan, Sultan Kudarat, mula Cotabato City.
Naaresto nitong Sabado ng hapon ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pangunguna ni Lt. Col. Esmael Madin, ang 35-anyos na si Palao Bangon Mlok, na siyang itinuro ng kanyang mga kamag-anak at kapitbahay na pumatay kay Datulayta gamit ang itak bago niya kinumlimbat ang pera at mahahalagang gamit nito.
Ayon sa mga traditional Moro community leaders sa Barangay Bitu, unang sumilong si Datulayta sa isang roadside waiting shed, kung saan umiinom ng alak at humihithit ng shabu si Mlok at mga kasama, matapos bumangon sa pag-crash ng kanyang motorsiklo sa highway at doon na ito pinatay gamit ang isang itak.
Ayon sa kanyang mga kapitbahay, agad na pinagtataga ni Mlok at kinuha ang pera sa pitaka ng biktima at iba pang mga gamit bago niya ito binalot ng banig at inilibing sa isang mababaw na hukay sa isang lugar sa Barangay Bitu.
Nahukay din nitong Sabado ng mga pulis, sa pangunguna ni Madin at mga barangay officials ang bangkay ni Datulayta na kanilang agad na na-turnover din sa kanyang pamilya.
Dalawang kasama ni Mlok, mag-ama, pansamantalang hindi muna kinilala dahil wala namang direktang kinalaman sa pagpatay kay Datulayta, ang nasa kustodiya na nila Madin at parehong nangakong magbibigay linaw sa kung paano niya pinatay ang biktima habang nasa impluwensya ng alak at shabu.
Matagal ng target ng mga shabu entrapment operations si Mlok, ngunit nakaiwas kaya hindi nasakote sa mga drug busts na mismong siya sana ang target.
Makikita sa larawan si Datulayta noong buhay pa at ang kanyang nakabalot na bangkay na natagpuan ng mga pulis sa isang mababaw na hukay. (September 21, 2025, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)