Isang 48-anyos na incumbent municipal councilor ang agad na nakulong ng makumpiskahan ng hindi mga lisensyadong baril sa isang police law-enforcement operation sa Barangay Poblacion sa Tampilisan, Zamboanga del Norte nitong Martes, August 26.
Kinumpirma ng kanyang kapwa local officials ang pagkaaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group kay Julius Darunday Bomediano, miyembro ng Sangguniang Bayan ng Tampilisan, ngayon nasa kustodiya na ng pulisya.
Si Bomediano ay dating mayor ng Tampilisan, ayon sa mga opisyal ng Zamboanga del Norte Provincial Police Office.
Sa ulat nitong Huwebes ni Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, magkatuwang sa search operation sa tahanan ni Bomediano ang mga operatiba ng CIDG-Zamboanga del Norte at mga units ng PRO-9 sa probinsya.
Natagpuan ng police search team sa loob ng bahay ni Bomediano ang isang M16 combat rifle at isang .45 caliber pistol, ayon kay Matta.
Ayon kay Matta, naikasa ang naturang anti-loose firearms operation batay sa isang search warrant mula sa Regional Trial Court Branch 28 sa Liloy, Zamboanga del Norte, may lagda ni Judge Wendy Josephine Alico-Famor at ay petsang August 18, 2025.
Nahaharap na sa kasong illegal possession of firearms si Bomediano, ayon kay Matta at kay Police Lt. Col Gilzen Ñino Manese na siyang namuno ng pangkat ng CIDG na nagsagawa ng naturang search operation, katuwang ang mga operatiba ng Tampilisan Municipal Police Station at iba’t-ibang mga units PRO-9. (Zamboanga del Norte, Region 9)