Patay on-the-spot ang dalawang mga babaeng senior high school students sanhi pag-crash ng kanilang motorsiklo loob ng isang bahay sa Barangay Balintawak sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Biyernes, August 1, 2025.
Sa ulat nitong Sabado ng Pagadian City Police Office, sakay ng isang Honda Click 125 sina Tiffany, 16-anyos, at ang 17 anyos na si Jonalyn, at isa pa nilang kaklase, si Shane, 17-anyos, ng bigla silang lumihis mula sa highway, nagawi sa loob ng bahay ng residenteng si Jona Saurnero.
Ang tatlo ay mga estudyante ng Zamboanga del Sur National High School sa Pagadian City, ang kabisera ng Zamboanga del Sur na sakop ng Administrative Region 9.
Ayon sa mga kawani ng Pagadian City Disaster Risk Reduction and Management Office, dumiretso sa bukas na pinto ang motorsiklo ng mga biktima at sa loob ng bahay nag-crash na nagsanhi ng agarang pagkamatay nila Tiffany at Jonalyn.
Mula sa mataas na lugar sa Barangay Palpalan ang mga biktima ng mawalan diumano ng preno ang kanilang sinasakyang Honda Click 125 kaya ito bumulusok na pababa at nagawi sa pinto ng bahay at nag-crash sa loob nito.
Nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan si Shane, ang kasama ng mga estudyanteng babae na nasawi sa aksidente.
Nadeklarang dead on arrival ang dalawang classmates ni Shane sa Jamillaren Hospital sa Pagadian City kung saan sila isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Pauwi na sila mula sa isang Buwan ng Wika program sa kanilang paaralan ng maganap ang aksidente. (August 2, 2025, Pagadian City, Zamboanga del Sur, Region 9)