Moro leader, Teduray tribal chieftain, napatay sa hiwalay na pamamaril

Isang Moro peace activist na municipal councilor at isang Teduray tribal chieftain na barangay kagawad na aktibo din sa mga peacebuilding programs ang napatay sa mga hiwalay na pamamaril sa probinsya ng Maguindanao del Sur nitong Martes, September 17, 2024.

Sa ulat nitong Huwebes ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang napatay umaga nitong Martes si Mohammad Alamada, kasapi ng Sangguniang Bayan ng Buluan sa Maguindanao del Sur, ng barilin ng mga armado sa habang nakaupo lang sa loob ng kanyang maliit na restaurant sa gilid ng isang kalye sa naturang bayan.

Ayon sa mga opisyal ng Buluan Municipal Police Station, agad na nakatakas gamit ang isang Toyota Avanza na walang plaka ang mga pumatay kay Alamada, isang ring municipal official ng United Bangsamoro Justice Party ng Moro Islamic Liberation Front at kilala sa Buluan sa kanyang malawak na partisipasyon sa mga programang kaugnay ng peace process ng pamahalaan at ng Moro communities sa Mindanao.

Gabi nitong Martes naman ng mapatay sa ambush sa isang liblib na lugar sa Barangay Bongo sa South Upi, Maguindanao del Sur ang non-Moro Teduray timuay, o chieftain, na si Elvin Moires, na miyembro ng konseho ng naturang barangay.

Sa ulat South Upi Municipal Police Station, galing sa isang tradisyonal na kasal si Moires at pauwi na sa kanilang tahanan ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa kanya na agad ding nakatakas.

Ayon kay Police Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, regional director ng PRO-BAR, may kooperasyon ang mga municipal officials ng Buluan at ng South Upi at ang mga police investigators sa naturang mga bayan sa pagkilala sa mga pumatay kay Alamada na wala naman daw kilalalang kagalit, at kay Moires na una na diumanong niratrat ng mga assault rifles ang bahay sa kanilang barangay noong 2018. (September 19, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *