Isang abogadong kasapi ng Bangsamoro parliament ang nanawagan sa kanyang kapwa regional lawmakers na manindigan para sa Palestinian territory na alam sa buong mundo na naghihirap sanhi ng panggigipit ng Israel sa karapatang nitong maging ganap na isang malayang bansa.
Iniulat nitong Sabado, June 21, 2025, ng mga senior information officers ng Bangsamoro parliament na nag-privilege speech si Member of Parliament (MP) Naguib Sinarimbo kamakalawa kung saan kanyang hinikayat ang mga kapwa mga mambabatas sa autonomous region na magkaisa at manindigan para sa ikakabuti ng mga Palestinians na ang teritoryo ay hinati na ng United Nations noon pang 1947 bilang mga hiwalay na bansa ng mga Hudyo, o Jews, at mga Arabo.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Sabado, umani ng suporta sa mula sa iba’t-ibang mga Muslim at Christian peace advocacy groups sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang katayuan, hinggil sa kalagayan ng Palestinians, ni MP Sinarimbo na naging official ng executive branch ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at nanilbihan din ng ilang taon bilang BARMM local government minister bago na-appoint ni President Ferdinand Marcos, Jr. na miyembro ng 80-seat regional parliament nitong March 2023.
Ayon sa mga kawani ng information office ng Bangsamoro parliament sa BARMM capitol sa Cotabato City, ipinaliwanag ni MP Sinarimbo sa kanyang privilege speech na sa kabila ng pagkilala ng United Nations sa Palestinian territory at ng karapatan ng mga Palestinians na magkaroon ng malayang bansa, brutal ang pagtutol ng Israel sa kanilang legal na mithiin.
Ayon kay MP Sinarimbo, maliban sa United Nations, may ilan pang mga international organizations na kumikilala sa Palestine na isang malayang bansa. Sa kabila nito, halos pitong dekada ng nagpapatupad ang Israel ng brutal na pagmamaliit at panggigipit sa isang komunidad na kinikilala ng mga international organizations ang kalayaan bilang isang estado, ayon kay Sinarimbo.
Nanawagan si MP Sinarimbo sa kanyang kapwa regional lawmakers, mga cause-oriented groups at mga religious leaders sa BARMM na magtulungan sa pagpapalawig ng kaalaman na ang mga Palestinians ay nararapat lang na makapamuhay ng tahimik at maunlad sa konstexto ng kalayaang maging isang bansa ayon sa mga polisiya ng United Nations. (June 21, 2025)