KIDAPAWAN CITY (September 20, 2025) —- Nagalak ang mga guro sa tatlong mga paaralan sa mga bayan ng Tulunan at Mlang sa probinsya ng Cotabato sa pagtungo sa mga school campuses nila ng “Library-on-Wheels” ng kanilang provincial government kaugnay ng literacy development program ng tanggapan ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza.

Sa pahayag nitong Sabado, September 20, ng mga guro ng Don Tomas Buenaflor Elementary School at Langkong Elementary School sa Mlang, natuwa ang mga batang mag-aaral na lumahok sa mga learning activities — reading time, puzzle-making, poster-drawing at pagpapagamit sa kanila ng tablets at “talking pens” — habang nasa kanilang mga campus ang mobile library ng Cotabato provincial government.

Ang mobile library, kasama ang crew nito, ay nagtungo sa dalawang paraalan nitong nakalipas na Miyerkules, September 17, at Huwebes, September 18, ayon kina school principals Bertricelita Prado at Meriam Kanok.

Pinasalamatan ng dalawang mga school principals ang kanilang gobernadora sa kanyang mga programang naglalayong mapalawig ang libreng edukasyon para sa mga kabataan sa probinsya.

Si Taliño-Mendoza ay chairperson ng Regional Development Council 12 na sakop ang mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani at ang mga lungsod ng Kidapawan, Tacurong, Koronadal at General Santos.

Nitong Martes, September 16, nasa Lampagang Elementary School sa bayan ng Tulunan ang mobile library ng Cotabato provincial government.

Makikita sa mga posts sa Facebook ng mga guro at mga kabataan ang kanilang pagkagalak sa presensya ng mobile library sa kanilang campus nitong Martes.

Pinagamit din ng mga tablets at talking pens ang mga mag-aaral sa naturang paaralan at pinabasa din ng mga reading materials na dala ng crew ng mobile library na pinangungunahan ni Librarian Leony Vera Gaburo.

Ilang mga mayors sa Cotabato, kabilang sa kanila si Rolly Sacdalan at Evangeline Pascua Guzman ng Midsayap at Kabacan, ayon sa pagkakasunod, ang nagpahayag nitong Sabado ng suporta sa Library-on-Wheels project ng tanggapan ni Taliño-Mendoza.