Tatlong M16 rifles at mga gamit sa paggawa ng mga improvised explosive devices ng isang grupo ng New People’s Army ang natagpuan ng mga sundalo sa magkalapit na Sitio Ellaw at Sitio Basag sa Barangay Laconon sa T’boli, South Cotabato nitong Huwebes, June 12, at Sabado, June 14.

Natunton ng mga magkasanib na mga tropa ng 37th Infantry Battalion at ng 105th Battalion ang kinaroroonan ng naturang mga gamit pandigma sa tulong ng mga dating kasapi ng Regional Sentro de Gravidad ng NPA na sumuko sa pamahalaan at tahimik ng naninirahan sa T’boli at mga karatig na bayan sa probinsya ng South Cotabato.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes nila Lt. Col. Christopherson Capuyan ng 37th Infantry Battalion at ni Lt. Col. Erikzen Dacoco ng 105th Infantry Battalion, naisagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakatagpo ng mga baril at mga pampasabog na nakalibing batay sa mga ulat ng mga dating kasapi ng teroristang NPA na tumiwalag na sa grupo upang makapagbagong buhay.

Ayon kay Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade na sakop ang mga battalions na pinamumunuan nila Capuyan at Dacoco, mismong mga residente na ng mga bayan na nasa area of responsibility nila ang tumutulong na magapi na ng tuluyan ng pamahalaan ang teroristang NPA.

Sa tala, mahigit 300 na na mga NPA ang sumuko sa ibat-ibang mga units ng 6th Infantry Division sa Central Mindanao nitong nakalipas na tatlong taon. (June 17, 2025)