Magkatuwang na namigay ng ayudang bigas ang isang kasapi ng Bangsamoro parliament at si Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua sa mga guro at mga magulang na nagtulungan sa paghanda ng mga silid-aralan sa ilang mga paaralan sa Cotabato City bago muling nagbukas ang mga ito nitong Lunes.
Kabilang sa mga nabigyan ng ayudang bigas nila Bangsamoro Parliament Member Naguib Sinarimbo at Chief Minister Macacua, bago nagsimula ang klase nitong Lunes, ang mga guro at mga magulang ng mga mag-aaral sa Kimpo Elementary School sa Barangay Rosary Heights 13 sa Cotabato City.
Sa pahayag ni Bangsamoro Parliament Member Sinarimbo nitong Martes, nilinaw niyang nararapat lang na suportahan sa iba’t ibang pamamaraan ang mga guro at mga magulang na nagtutulungan na maging maayos ang pag-aaral ng mga bata sa mga paaralang kanilang pinapasukan na nasa ibat-ibang mga barangay.
Magkatuwang na nagpaabot din sina Bangsamoro Parliament Member Sinarimbo at Chief Minister Macacua ng ayudang bigas para sa mga guro sa mga paaralan sa bagong tatag na bayan ng Pahamuddin na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng probinsya ng Cotabato.
Ang outreach missions nila Parliament Member Sinarimbo at Chief Minister Macuacua ay inalalayan ng ibat-ibang Philippine Army at police units. (JUNE 17, 2025)
