COTABATO CITY (September 4, 2025)— Sugatan ang isang lalaking may dalang shabu at isang .45 caliber pistol sa kanyang sasakyan ng ma-ambush sa Sitio Ataw sa Barangay Tulunan sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Huwebes, September 4, 2025.

Minamaneho ng 41-anyos na si Aldren Arendain Almento ang isang silver na Toyota Innova, may plakang LGN 455, ng tambangan ng mga armadong nakaabang sa gilid ng highway at agad din na nakatakas.

Sa inisyal na pahayag ni Lt. Col. Jopy Ventura, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Almento ay residente ng Upper Lot 1 sa Sogod sa Barangay Apopong sa malayong lungsod ng General Santos sa Region 12.

Ang General Santos City ay halos 200 kilometro ang layo mula sa kung saan siya tinambangan na nagsanhi ng kanyang pagkakasugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Kinumpirma ng mga imbestigador ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station at ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office na may nakuhang isang malaking sachet ng shabu at isang .45 caliber pistol sa loob ng sasakyan ng ambush victim na si Almento. (September 4, 2025)