Patay ang isang driver habang sugatan ang general manager ng Pepsi Plant Products matapos silang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang lulan ng Sports Utility Vehicle (SUV) sa lungsod ng Zamboanga nitong Lunes ng gabi.
Nilalapatan na ng lunas ang general manager ng Pepsi-Cola Products Philippines Incorporated sa Zamboanga City na si Che Stalin Rodriguez habang ang driver na kinilala lang sa pangalang “Jun-Jun” ay binawian ng buhay sa pagamutan.
Sa report ni Police Col. Fidel Fortaleza Jr., director ng Zamboanga City Police, dakong alas-syete ng gabi nitong Lunes, habang lulan ng (SUV) ang mga biktima sa kahabaan ng San Isidro Street, Zone 2, Mercedes Village at kabababa lang nang biglang sumulpot ang armadong riding-in-tandem.
Lumalabas na binuntutan ng mga suspek ang SUV at nang makakuha ng tiyempo pagsapit sa lugar ay pinagbabaril ang target. Ang gunman na backrider ay nakasuot ng jacket na may hood at naka-baseball cap. (From Pilipino Star Ngayon, May 7, 2025)