COTABATO CITY (December 20, 2025) — Nagpasalamat kina Gov. Tucao Ong Mastura at Vice Gov. Marshall Ibrahim Sinsuat ang mga officials ng 6th Infantry Division at ng 1st Brigade Combat Team sa kanilang pag-suporta sa peacebuilding efforts ng 1st BCT habang ito ay nasa Maguindanao del Norte ng ilang taon, nalipat sa Luzon nito lang Miyerkules, December 17.
Sa mga hiwalay na pahayag nitong Sabado nila Major. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th ID, at Col. Rommel Pagayon ng 1st BCT, aktibong supporter ng mga community relations activities ng 1st BCT, dating naka-base sa Pigkalagan, Sultan Kudarat, ang dalawang pangunahing mga provincial officials sa Maguindanao del Norte — sina Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat.
Si Cagara ang nanguna sa traditional military send-off rite kaugnay ng paglisan ng 1st BCT mula sa Sultan Kudarat para sa bagong assignment nito sa Luzon. Ginanap ang naturang seremonya sa Camp Siongco sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Cagara, malaki ang naging ambag nila Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat sa mga joint peace and community service projects ng 6th ID at 1st BCT habang nakadestino ito sa Maguindanao del Norte.
Ayon kay Pagayon, naging matagumpay ang kanilang mga community service at humanitarian projects habang ang 1st BCT ay nasa Maguindanao del Norte dahil sa suporta nila Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat.
Parehong kilala sina Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat sa kanilang extensibong kooperasyon sa pagpapalaganap ng peace and sustainable development sa Maguindanao del Norte, mga inisyatibong suportado ng business sector sa probinsya at Cotabato City, ng 6th ID at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
