COTABATO CITY (December 12, 2025) — Mas palalawigin pa ng mga local executives sa Maguindanao del Norte ang pagtutulungan sa pagsawata ng illegal drugs sa probinsya, ngayon nakikilala na bilang “new investment hub” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Isa ang naturang governance objective na tinalakay nitong Huwebes, December 11, 2025, sa Peace and Order and Public Safety Cluster Meeting para sa huling quarter ng 2025 sa isang function facility sa Cotabato City, magkatuwang na pinangunahan nila Maguindanao del Norte Gov. Tucao Ong Mastura at Vice Gov. Marshall Ibrahim Sinsuat.

Dumalo sa naturang pagpupulong ang congressional representative ng Maguindanao del Norte, si Dimple Mastura, mga mayor ng iba’t ibang bayan sa probinsya, isa sa kanila ang chief executive ng tinaguriang most peaceful municipality sa buong probinsya, si Raida Tomawis-Sinsuat, ng Datu Blah Sinsuat.

Kinikilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 6th Infantry Division ang Datu Blah Sinsuat, may sakop na 13 na mga beachfront barangays, bilang pinakamapayapang bayan sa Maguindanao del Norte, isa sa limang mga probinsya sa BARMM. Ang Datu Blah Sinsuat ay may zero heinous crime record nitong nakalipas na sampung taon.

May mga kinatawan din ang Philippine Drug Enforcement Agency-BARMM, ang Maguindanao del Norte Provincial Police Office, Bureau of Fire Protection, 6th ID at ang 1st Marine Brigade na dumalo sa naturang cluster meeting, ilan sa kanila nagpahayag ng mga suhestiyon kung paano mas mapapalawig pa ang multi-sector cooperation sa pagpapanatili ng kapayapaan sa probinsya, bilang kanilang suporta sa peace and order and security programs nila Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat.

Sa kanilang mga hiwalay na pahayag kaugnay ng naturang pagpupulong, muling tiniyak nila Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat, na running mates noong May 12, 2025 elections, na walang humpay ang kanilang kampanya laban sa pagpapakalat ng illegal na droga ng ilan na lang na natitirang mga shabu at marijuana dealers sa Maguindanao del Norte.

Bilang reaksyon sa kanilang isinagawang multi-sector peace and security conference nitong Huwebes, ilang mga negosyante, kabilang ang chairman ng maimpluwensyang Bangsamoro Business Council, mas kilalang BBC, ang abogadong si Ronald Hallid Dimacisil Torres, ang nangako ng suporta sa mga magkatuwang na peace and security programs ni Gov. Mastura at Vice Gov. Sinsuat bilang suporta sa pagsisikap nilang dalawa na mapaunlad ang investment climate sa Maguindanao del Norte.

Ayon kay Torres, malaking bagay para sa ikakatagumpay ng mga socio-economic, peace and security at humanitarian programs ng dalawang provincial officials ang suporta ng publiko kaya nasa likuran nila ang BBC na may mga miyembro sa lahat ng limang probinsya at tatlong lungsod na sakop ng BARMM.

Ganoon din ang pahayag ng mga kasapi ng Cotabato City Chinese business community na nagpaabot ng kahalintulad na mga mensahe sa mga reporters sa Cotabato City sa pamamagitan ng text messages.