Dalawang magkapatid na mga shabu dealers ang nakumpiskahan ng abot sa P122,400 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 sa Alabel, Sarangani nitong Sabado, August 2, 2025.
Kinumpirma nitong Linggo ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-12, na nasa kustodiya na nila ang dalawang suspects, si Glen, 37-anyos, at kanyang 26-anyos na kapatid na si Jennymar, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi na pumalag ang mga suspects ng arestuhin ng mga PDEA-12 agents na kanilang nabentahan ng 18 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P122,400, sa isang entrapment operation sa Barangay Kawas sa Alabel na naikasa sa tulong ng mga etnikong mga Blaan na nagsuplong kanilang pagbebenta ng shabu at marijuana sa kanilang mga ancestral lands sa naturang bayan.
Ayon kay Recites, suportado ng mga units ng Police Regional Office-12 ang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto ng magkapatid na shabu dealers. (August 3, 2025, Alabel, Sarangani, Region 12)