Naaresto nitong hapon ng Martes sa Polomolok, South Cotabato ang mag-amang diumano nakapatay ng isang pulis sa Isulan, Sultan Kudarat, eksaktong 12 oras matapos naganap ang krimen.
Sa ulat nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, nasukol ng mga pulis sa tulong ng mga local officials si Vincent Dalanon, Jr. at ang kanyang ama na si Vincent, Sr. sa Barangay Sulit sa Polomolok, parehong nakapiit na sa isang detention facility.
Ang mag-ama ang itinuro ng mga saksi na responsable sa pagpatay, gamit mga pistol, kay Police Master Sgt. Geoffrey Demorito Angub nitong madaling araw ng Martes sa isang madilim na bahagi ng isang kalye sa Barangay Kalawag 2 sa Isulan, ang kabisera ng Sultan Kudarat province.
Sa inisyal na pahayag ng Isulan Municipal Police Station, naglalakad sa gilid ng isang kalye si Angub ng lapitan ni Dalanon at paputukan ng 9 millimeter pistol. Kinumpirma ng mga saksi na nandoon din sa crime scene ang ama ng suspect.
Ayon sa mga municipal officials ng Isulan, mabilis na tumakas ang dalawa gamit ang isang pick-up truck ngunit kalaunan ay natunton din at naaresto ng mga magkasanib na mga operatiba ng Sultan Kudarat Provincial Police Office at mga kasapi ng mga units ng South Cotabato provincial police force sa Barangay Sulit sa Polomolok, mahigit 100 kilometro ang layo mula sa Isulan.
Ayon kay Ardiente, nahaharap na sa kaukulang mga kaso ang mag-ama at nangako ng suporta sa pag-usig sa kanila ang ilang mga saksi sa krimen. (May 28, 2025)
