COTABATO CITY (November 27, 2025) — Magkatuwang na aayusin na ng mga local officials, ng 602nd Infantry Brigade, ng Police Regional Office 12, ng Moro Islamic Liberation Front at mga volunteer Moro lawyers ang madugong land conflict sa Barangay Malinan sa Kidapawan City, Cotabato na humantong na sa pagkamatay ng pito katao nito lang Lunes.
Nagpulong nitong Miyerkules sina Cotabato Gov. Emmylou TaliƱo-Mendoza, Army Brig. Gen. Ricky Bunayog na commander ng 602nd Infantry Brigade, mga kinatawan ng Cotabato Provincial Police Office ng PRO-12 at si Kidapawan City Mayor Jose Paolo Evangelista hinggil sa pagkamatay ng pitong mga kalalakihang Moro, kabilang ang isang MILF commander, sa isang engkwentro sa Barangay Malinan kaugnay ng kanilang kinasasangkutang away sa control ng malawak na agricultural land sa naturang lugar.
Sinalakay ng armadong grupong sangkot sa naturang land conflict ang lugar ng pitong mga napaslang na mga kalalakihan, lima sa kanila mga miyembro ng MILF habang ang dalawa naman ay mula sa hanay ng Moro National Liberation Front, kaya nagka-engkwentro na nagsanhi din sa paglikas sa mga ligtas na lugar ng mahigit 30 na mga mahihirap na mga pamilyang naipit sa kaguluhan.
Sa mga hiwalay na pahayag nila Bunayog, nila Butch Malang at ni Mohammad Kelly Antao na parehong mga miyembro ng 80-seat Bangsamoro regional parliament at ni Col. Jerson Birrey, Cotabato provincial police director, masigasig nilang susuportahan ang mga inisyatibo ng tanggapan ng second-term governor na si Mendoza at ng city government ng Kidapawan na matuldukan na, sa mapayapang paraan, ang naturang land conflict.
Mahigit 50 na ektaryang sakahan sa nabanggit na lugar ang pinag-aagawang sakahan ng mga napaslang na mga MILF at MNLF members at ilang magkasanib na mga residente doon ng naturang mga lugar.
Ayon kay Mendoza, na chairperson ng multi-sector Cotabato Provincial Peace and Order Council, mas mainam na ayusin sa tama at mapayapang negosasyon ng naturang sigalot upang maiwasan na ang kaguluhang gumulantang sa mga residente ng Malinan.
Sa kanilang dayalogo sa Cotabato provincial capitol sa Kidapawan City, seryosong iminungkahi nila Mendoza at ni Evangelista na, bilang mayor, ay chairman ng Kidapawan City Peace and Order Council, na kailangang maayos ang naturang sigalot upang makapamuhay na ng normal ang mga conflict-stricken na mga communities sa Estado at Malinan.
Nagsisikap din ang MILF Joint Ad Hoc Action Group, pinamumunuan ni Anwar Alamada, at ang liderato ng 6th Infantry Division, sa pangunguna ni Major Gen. Jose Vladimir Cagara na siyang may control ng 602nd Infantry Brigade na masuportahan ng lubos ang inter-agency, multi-sector conflict resolution effort para sa naturang land ownership dispute.
Nag-deploy na sina Cagara at Bunayog ng mga tropa ng 40th Infantry sa conflict-stricken na lugar bilang peacekeeping contingent.
Makikita sa larawan ang mga local executives at si Bunayog sa inisyal na conflict-resolution efforts ni Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, at ang mga Army peacekeepers na nagpapatrolya sa isang lugar malapit sa pinangyarihan ng madugong insidente nitong Lunes.