COTABATO CITY (December 19, 2025 — Muling tiniyak ni Maguindanao del Norte Vice Governor Marshall Sinsuat, nahalal sa puwesto nito lang May 12, 2025 elections, sa chief minister ng Bangsamoro region, si Abdulrauf Macacua, ang kanyang suporta sa mga peace and development initiatives ng autonomous regional government.
Nag-courtesy visit si Vice Gov. Sinsuat, bilang pagbibigay galang, kay Chief Minister Macacua nitong Miyerkules, upang tiyaking muli ang kanyang pag-focus sa pagsusulong ng mga joint peace and development initiatives ng Maguindanao del Norte provincial government, sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Tucao Mastura, at ng Office of the Chief Minister na siyang namamahala ng lahat ng ahensya na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa mensaheng kanyang ipinaabot sa mga reporters nitong Biyernes, nagpahayag ng kagalakan sa Chief Minister Macacua sa pag-courtesy visit sa kanya ni Vice Gov. Sinsuat na ayon sa kanya ay isang malinaw na indikasyon na nagkakaisa silang dalawa sa layuning mapaunlad ang ekonomiya at mas mapalawig pa ang kapayapaan sa Maguindanao del Norte.
Si Sinsuat ay naging mayor ng Datu Blah Sinsuat, tinaguriang “most peaceful municipality” sa Maguindanao del Norte, bago naging vice governor. Walang ni isa mang nai-record na heinous crime, o karumal-dumal na krimen, sa Datu Blah Sinsuat nitong nakalipas na sampung taon.
Ayon sa entrepreneur-lawyer na si Ronald Hallid Dimacisil Torres, chairman ng Bangsamoro Business Council na may mga miyembro sa limang probinsya at tatlong lungsod sa BARMM, nakikilala na ang Datu Blah Sinsuat bilang bagong investment destination sa probinsya ng Maguindanao del Norte.
Ayon kay Macacua, susuportahan din ng kanyang tanggapan ang mga governance at peace and security efforts ng Datu Blah Sinsuat local government unit, may sakop na 13 seaside barangays, pinamumunuan ni Mayor Raida Tomawis-Sinsuat.
Makikita sa larawan si Vice Gov. Sinsuat, sa gawing kaliwa, at si Chief Minister Macacua na nag-dayalogo nitong Miyerkules hinggil sa mga pro-poor at mga humanitarian initiatives para sa mga residente ng Maguindanao del Norte sa kanilang pag-uusap sa BARMM capitol sa Cotabato City nitong Miyerkules.
