Limang shabu dealers, dalawa sa kanila magkasabwat sa pamamalakad ng drug den, ang naaresto sa mga hiwalay na entrapment operations ng Philippine Drug Enforcement Agency sa dalawang lungsod sa Central Mindanao sa nitong Miyerkules.
Iniulat nitong Biyernes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa kustodiya na nila ang tatlong mga dealer ng shabu na nalambat ng kanilang mga agents nitong Miyerkules sa Mother Barangay Bagua sa Cotabato City.
Ayon sa mga local executives, dalawa sa tatlong mga naarestong suspects, isa sa kanila babae, ang nagmamay-ari ng drug den kung saan sila na-entrap sa isang operasyong suportado ni Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office.
Agad na nadetine ang tatlong suspects matapos magbenta ng P54,400 na halaga ng shabu sa mga hindi unipormadong PDEA-BARMM agents at mga pulis.
Na-entrap nito ring Miyerkules ng mga PDEA-12 agents ang isang lalaki at isang babaeng shabu dealers sa Barangay Balindog in Kidapawan City.
Ang Kidapawan City ang kabisera ng probinsya ng Cotabato na sakop ng Region 12.
Ayon kay Benjamin Recites III, PDEA-12 director, agad na inaresto ng kanilang mga agents at mga kasapi ng Kidapawan City Police office ang dalawang magkasabwat na suspects matapos silang bentahan ng P34,400 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Balindog.
Ang dalawang suspects, nakapiit na sa mga hiwalay na selda, ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon kay Recites. (May 2, 2025)