Home » Lima arestado sa drug den raid sa Cotabato City

Lima arestado sa drug den raid sa Cotabato City

Isang drug den operator at apat na mga kasabwat ang nalambat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region sa Barangay Poblacion Mother sa Cotabato City nitong Sabado, March 1, 2025.

Iniulat ni Gil Cesar Castro, director ng PDEA-BARMM, na nasa kustodiya na nila ang limang suspects, kabilang sa kanila ang 34-anyos na babae, kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Castro, target ng naturang entrapment operation na suportado ni Col. Jibin Bongcayao, Cotabato City police director, ang lalaking may-ari ng isang drug den sa Purok Ulandangan 2 sa Barangay Poblacion Mother.

Hindi na pumalag ang drug den operator at apat niyang mga kasama ng arestuhin ng mga PDEA-BARMM agents at mga pulis matapos silang bilhan ng mga hindi unipormadong anti-narcotics agents ng 15 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P102, 000, na siyang gagamiting ebidensya sa pagsampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanila.

Ayon kay Castro, malaki ang naitulong ng mga operatiba ng Cotabato City Police Office sa paglatag ng naturang matagumpay na entrapment operation. (March 2, 2025) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *