Abot ng 263 na mga residente ng Barangay Layog sa Pagalungan, Maguindanao del Sur ang nakinabang sa medical outreach ng humanitarian team ni Bangsamoro parliament member at regional health minister na si Kadil Monera Sinolinding, Jr. sa sa naturang lugar nitong Biyernes, June 13, 2025.
Sa ulat nitong Sabado ng mga municipal at barangay officials sa Pagalungan, 45 na mga batang Moro ang natuli ng libre ng medical outreach group nila Bangsamoro Health Minister Sinolinding sa kanilang public service activity sa Barangay Layog, isang inisyatibong sinuportahan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua.
Sa tala ng municipal officials sa Pagalungan, 114 na mga taga Barangay Layog ang nasuri ang mga mata ng grupo nila Minister Sinolinding, 70 sa kanila nabigyan ng libreng reading glasses.
Abot din ng 24 sa mahigit 200 na mga pasyenteng nasuri ang mga mata ang nakitang may cataract at 21 na iba pa ang may pterygium. Sila ay nakatakda ng sasailam sa surgery na isasagawa ng mga doctor, kabilang na si Minister Sinolinding na isang eye specialist na nagpakadalubhasa sa India.
Sa kanyang pahayag nitong Sabado, June 14, 2025, nagpaabot ng pasasalamat si Pagalungan Mayor Salik Mamasabulod kina Minister Sinolinding at Bangsamoro Chief Minister Macacua sa kanilang pagsagawa ng medical mission sa Barangay Layog na ang mga naka-benipisyo ay mula sa mga pamilyang umaasa lang sa pagsasaka at pangingisda sa hindi kalayuang Ligawasan Marsh para sa kanilang ikakabuhay.
Ayon kay Mayor Mamasabulod, daan-daang mga residente na ng Pagalungan ang nagamot ng libre ng grupo nila Minister Sinolinding, katuwang ang ilang mga pribadong organisasyon, kabilang na ang Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato, nitong nakalipas na ilang mga taon. (June 14, 2025)