Abot ng 73 na mga mahihirap na residente sa bagong tatag na bayan ng Pahamuddin sa probinsya ng Cotabato ang nabigyan ng libreng mga salamin at nagamot ang mga problema sa mata sa isang outreach mission ng Bangsamoro regional officials at ng dalawang pribadong service-oriented groups nitong Martes, April 15, 2025.
Ang Pahamuddin ay isa sa walong mga bagong tatag na bayan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ngunit nasa probinsya ng Cotabato na sakop ng Region 12.
Nagtulungan ang tanggapan ni BARMM Parliament Member Kadil Sinolinding, Jr., si Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua, ang Deseret Ambulatory Referral Center Foundation Incorporated at ang Maguindanao Professionals and Employees Association sa outreach mission nitong Martes sa Barangay Simsiman sa Pahamuddin kung saan 73 na mga pasyenteng mga mahihirap ang kanilang nasilbihan.
Ang parliament member na si Sinolinding, isang physician-ophthalmologist, ay siya ring health minister ng BARMM.
Nakatakda ng sasailalim sa libreng surgical procedure ang 26 sa 73 na mga pasyente na nakinabang sa Pahamuddin outreach mission, apektado ang mga mata ng pterygium at cataract, sa susunod na linggo sa Deseret medical facility sa Kabacan, Cotabato.
Abot sa 36 na mga pasyenteng nasuri ng libre ang mga mata sa naturang community eye care activity ang nabigyan ng libreng mga eyeglasses.
Mahigit 7,000 na ang mga eye patients sa malalayong mga lugar sa Bangsamoro region na nagamot ng libre, nitong nakalipas na tatlong taon, ng outreach team ni Sinolinding at ng Office of the Chief Minister-BARMM at ng mga private public service organizations na sumusuporta sa kanilang public service programs. (April 16, 2025)