COTABATO CITY (September 22, 2025) — Nagtipon sa isang function facility ng KCC Mall dito sa lungsod ang hindi bababa sa 8,000 na mga miyembro at mga leaders ng Moro National Liberation Front mula sa Central Mindanao at Bangsamoro island provinces nitong Linggo, September 21, 2025.

Layunin ng naturang pagtitipon ang maipahayag ang kanilang patuloy na pagpapahalaga sa mga positibong resulta ng September 2, 1996 government-MNLF peace agreement at ang adhikain ng kanilang grupo na isulong ang kaunlaran sa Mindanao sa pamamagitan ng participatory governance at makabuluhang awtonomiya, batay sa mga layunin ng naturang kasunduang pangkapayapaan.

Kabilang sa mga dumalo sa naturang MNLF grand reunion, pinangunahan ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, chairman ng MNLF, ang mga kasapi ng 80-seat Bangsamoro parliament na sina Hatimil Hassan na taga Basilan at Adzfar Usman na taga Sulu. Sina Hassan at Usman ay mga ranking MNLF officials din.

Dumalo din sa naturang pagtitipon ang isa pang mataas na opisyal ng MNLF na miyembro din ng BARMM parliament, si Omar Yasser Crisostomo Sema.

Sila ay halinhinang nagpahayag ng mga mensaheng nanawagan ng pagkakaisa sa pagsulong ng peace and sustainable development sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at pagpapalaganap ng matibay na samahan ng mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities sa BARMM.

Ang MNLF at Moro Islamic Liberation Front ay parehong may mga representatibo sa Bangsamoro regional parliament. Magkatuwang din ang dalawang grupo, parehong may mga final peace compact sa MalacaƱang, sa pamamalakad ang ilang mga ahensiya ng Bangsamoro regional government.

Ang MNLF ay may malaking regional political party, ang Bangsamoro Party, o BAPA Party, na lalahok sa kaunaunahang October 13, 2025 parliamentary elections sa autonomous region.

Si Member of Parliament Sema, isang abogado, ang siyang kandidato para sa BAPA Party representation sa regional parliament.

Makikita sa larawan ang mga MNLF officials at members mula sa ibat-ibang probinsya sa Central Mindanao at island provinces sa Bangsamoro region na nagsama-sama sa kanilang reunion sa isang function facility ng KCC Mall sa Cotabato City nitong Linggo.