LGU at SMI magkatuwang sa mga community projects

Patuloy sa pagpapalawig ng mga programang makakapabuti sa kabuhayan ng mga residente ng Kiblawan sa Davao del Sur ang mga municipal officials nito, mga sectoral representatives, ang tribong Blaan at isang pribadong kumpanya na may social responsibility projects sa Central Mindanao.

Kinumpirma nitong Biyernes, May 30, 2025, ni Kiblawan Mayor Joel Calma na may karagdagang P1.5 million na natanggap ang kanilang local government unit mula sa Sagittarius Mines Incorporated (SMI) para sa mga community development projects sa kanilang bayan.

Matagal ng nagtutulungan ang Kiblawan LGU, ang mga sectoral leaders at Blaan communities na sakop nito at ang SMI sa mga health, education, social welfare at livelihood projects sa mga barangay sa naturang bayan.

Ang naturang mga proyekto ay tinutustusan ng kumpanya sa kabila ng hindi pa ito nakakapagsimulang i-operate ang Tampakan Copper-Gold Project sa hindi kalayuang mga Blaan ancestral lands sa Tampakan sa South Cotabato.

Ang SMI ay kontratado ng Malacañang na magpapatakbo ng Tampakan Copper-Gold Project na sakop ang Tampakan sa South Cotabato at ang mga bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat, ang Malungon sa Sarangani at ang Kiblawan sa Davao del Sur.

May basbas, o written free and prior consent, ang mga tribal leaders sa naturang apat na bayan para sa Tampakan Copper-Gold Project. Maliban sa pondong P1.5 million, ang SMI ay sumusuporta din sa pagpalago KITAB Marketing sa Kiblawan.

Ito ay isang kooperatiba ng mga magsasakang mga Blaan at mga miyembro ng tribo na may maliliit na mga negosyo sa kanilang mga balwarte sa Kimlawis, Abnate at Bulol-Salo sa Kiblawan. (May 30, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *