Isang pasaherong namatay sa pagka-lunod at anim na iba pa ang nasagip ng buhay matapos lumubog ang kanilang sinasakyang maliit na lantsa sa karagatang sakop ng bayan ng Balabac sa Palawan nitong umaga ng Linggo, June 8, 2025.

Kinumpirma nitong Lunes ni Ensign Mark Joseph Bajao, acting commander ng Philippine Coast Guard Station sa Balabac, na isang pasahero ng lumubog na maliit na sasakyang pandagat na nasawi sa insidente ang nadala na sa dalampasigan at ang anim na iba pang na-rescue ay nasa kanilang kustodiya na.

May apat pa na missing na sakay ng lumubog na lantsa ang magkatuwang na hinanahap pa ng mga tropa ng PCG, ng mga barangay officials at mga emergency responders mula sa Balabac local government unit at sa Palawan Disaster Risk Reduction and Management Office.

May teorya si Bajao at kanyang mga kasama sa PCG Balabac Station na posibleng mga human trafficking victims ang mga sakay ng maliit na lantsang lumubog na diumano patungo sana ng Malaysia.

May indikasyon na ni-recruit sila para sa mga pangakong trabaho sa naturang bansa, ayon kina Bajao at ilang mga opisyal ng pulisya sa Palawan.

Apat pa na nawawalang pasahero ng lantsa lumubog ang pinaghahanap pa ng mga kasapi ng PCG at ng mga search and rescue teams ng mga local government units sa probinsya. (June 9, 2025)