Isang maliit na lantsa ang sinira ng malakas na mga alon at lumubog sa karagatang sakop ng Barangay Baluno sa Isabela City, Basilan nitong Sabado, June 7, 2025.

Sa inisyal na ulat nitong Linggo ng mga opisyal ng Isabela City Police Station at ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army na naka-base sa lungsod, wala namang nasawi sa insidente at nakaligtas naman sa pagkalunod ang mga tripulante ng lantsa na nawasak at inanod ng malalakas na alon sa dalampasigan ng Barangay Baluno.

Nagkalat sa dagat at sa beachfront area ng naturang barangay ang mga lulan ng lantsang nawasak na mga grocery supplies na mula sa Zamboanga City.

Nagtulungan sa pagtugon sa naturang insidente ang Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang Philippine Coast Guard unit sa Basilan, ang pulisya at ang units ng Philippine Army sa Basilan.

Agad namang nadala sa ligtas na lugar ang mga sakay at mga tripulante ng lantsa, ayon sa mga senior police at Army officials sa Basilan, isa sa mga limang probinsya ng Bangsamoro region. (June 8, 2025, handout photo, Isabela City Local Government Unit)