Sa unang buwan ng kanyang panunungkulan, nailatag ng bagong talagang kasapi ng Bangsamoro regional parliament, ang abugadong si Naguib Sinarimbo, ang isang constituency-building initiative upang mapabuti ang pagseserbisyo publiko sa mga residente ng Cotabato City at ng Special Geographic Area-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang Cotabato City, may 37 na mga barangays, ang siyang kabisera ng BARMM. Nasa Special Geographic Area, o SGA-BARMM naman ang 63 Moro-dominated na mga barangays sa probinsya ng Cotabato sa Region 12 na ngayon ay sakop na ng walong bagong tatag na Bangsamoro municipalities.
Ang “Kumustahan sa Barangay” ng tanggapan ni Member of Parliament (MP) Sinarimbo ay unang ginanap kamakalawa sa Barangay Rosary Heights 10 sa Cotabato City.
Ipinaabot sa kanya ng mga residente ng naturang barangay ang maraming mga issues, katulad ng hindi na mabuting kalagayan ng kalikasan, o environment, sa kapaligiran ng lungsod, ang kalagayan ng mga solo parents at ang suporta sa mga daycare centers na para sa kanila ay pinaka-unang institusyon na huhubog sa mabuting pagkatao ng mga batang nakikinabang nito.
Natalakay din sa naturang Kumustahan sa Barangay ang mga pangangailangan ng mga indigent groups, o ang mga labis ang kahirapan sa buhay, na naninirahan sa lungsod.
Ipinaliwanag ni MP Sinarimbo sa mga dumalo sa Kumustahan sa Barangay na kanyang pag-aaralan kung paano matutugunan ang naturang mga issues and concerns sa pamamagitan ng legislative measures at pagpapaabot ng mga ito sa mga ahensya ng BARMM government.
Ayon kay MP Sinarimbo, mabisang paraan ng pagseserbisyo publiko ang paglapit na mismo ng mga appointed at elected officials sa mga residente ng mga lugar na kanilang mga sakop upang malaman direkta mula sa kanila ang kanilang mga hinaing na maaring maresolba sa pamamagitan ng governance kaugnay ng kanilang mga sinumpaang katungkulan. (APRIL 30, 2025)