Naaresto ng mga pulis nitong nakalipas na linggo ang isang municipal councilor sa Datu Salibo sa Maguindanao del Sur na diumano mastermind sa pambobomba ng kanyang mga kalaban na community leaders din sa naturang bayan ilang buwan na ang nakakalipas.
Nasa kostudiya na ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region ang suspect na councilor sa Datu Salibo na si Allah Tahir Ganoy, 44-anyos.
Si Ganoy ay may kinakaharap na kasong two counts of murder at frustrated murder kaugnay ng pagsabog ng bomba sa isang lugar sa Datu Salibo na nagsanhi ng pagkamatay ng barangay kapitan ng Pendeten sa naturang bayan, si Datu Manaot Silongan, at pagkasugat ng walong iba pa.
Si Ganoy ay nasabat at agad na nadetine ng magkasanib na mga CIDG agents at mga operatiba ng Highway Patrol Group, ng Aviation Security Group at mga kasapi ng mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region nitong nakalipas lang na Sabado, October 11, hindi kalayuan sa Cotabato Airport sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa mga taga Datu Salibo, magkalaban sina Silongan at ang konsehal na nakasuhan kaugnay ng naturang pambobomba gamit ang isang improvised explosive device na kinabitan ng blasting mechanism na naka-connect sa isang mobile phone.
Naglalakad sina Barangay Chairman Silongan at mga kasama ng biglang sumabog ang IED sa gilid ng highway sa isang lugar sa Datu Salibo. Namatay si Barangay Chairman Silongan sa mga shrapnel wounds na tinamo sanhi ng IED explosion.
Itinuro ng ilang mga taga Datu Salibo ang ngayon ay nakadetine ng municipal councilor, kinilala lang ng CIDG officials na Allan, na siyang mastermind ng naturang bomb attack.
Binigyang puri ni Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng PRO-BAR, ang mga miyembro ng CIDG-BAR, pinamumunuan ni Col. Rollyfer Capoquian, sa kanilang matagumpay na operation na nagresulta sa pagkaaresto sa suspect na wanted sa mga kasong nakabinbin sa korte. (October 17, 2025, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)