Napatay ng mga pulis at mga tropa ng Philippine Marines sa isang engkwentro ang isang diumano “killer-for-hire” at naaresto naman ang kanyang kasamang nasugatan sa insidente, naganap gabi ng Miyerkules sa Barangay Poblacion 4 sa Cotabato City.

Unang binaril nila Amarudin Usman Acop at kasamang si Homidie Saptula Salipudin ang dalawang residente ng Barangay Poblacion 4 sa Cotabato City, sina Abdulhaq Umal at Niño Galimba, at sila ay nasabat ng magkasanib mga tropa ng Cotabato City Police Office at ng Marine Battalion Landing Team-5 habang tatakas na sana sakay ng motorsiklo.

Sa halip na sumuko, naglabas ng mga .45 caliber pistols ang dalawang namaril at nakasugat kina Umal at Galimba kaya nagkaputukan na nagsanhi sa pagkamatay ng isa sa kanila, si Acop, sanhi ng mga tama ng bala sa ulo, at pagkasugat ng kasabwat niyang si Salipudin, ngayon nasa kustodiya na ng Cotabato City police force.

Ayon kay Col. Jibin Bongcayao, Cotabato City Police director, agad na dinala ng mga emergency responders sa isang hospital ang mga sugatang sina Umal at Galimba at ang namaril sa kanilang si Salipudin na guwardiyado na ng mga pulis.

Ang napatay na si Acop, taga Barangay Kauran sa Ampatuan, Maguindanao del Sur, ay matagal ng pinagdududahan ng mga kakilala at local officials na isang bayarang killer at sangkot diumano sa 13 na mga pamamaril-patay sa kanilang probinsya, sa hindi kalayuang bayan ng Isulan,Sultan Kudarat at sa Cotabato City.

Ayon kay Bongcayao, kanilang sasampahan ng mga kaukulang mga kaso ang nakapiit ng kasama ng napatay na si Acop na si Salipudin kaugnay ng kanilang tangkang pagpatay kina Umal at Galimba habang ang mga ito ay nakatambay sa gilid ng Doña Pilar Street sa Barangay Poblacion, isang residential area sa Cotabato City. (June 19, 2025)