Nagsagawa ng isang extensibong orientation ang Bureau of Employment Promotion and Welfare (BEPW) ng Bangsamoro labor ministry para sa mga job placement facilitators sa Special Geographic Area (SGA) sa probinsya ng Cotabato upang matiyak na tama ang work recruitment procedures ng mga ito para sa mga residente ng naturang lugar.

Sakop ng Bangsamoro SGA sa probinsya ng Cotabato ang 63 barangays na ang mga residente ay bomoto ng pabor sa pagsama sa kani-kanilang mga barangays sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa isang plebisito nitong 2019

Magkahiwalay na iniulat nitong Sabado, May 24, 2025, ni Bangsamoro Labor Minister Muslimin Sema at ng director ng kanilang BEPW na si Bai Sara Jane Sinsuat na isinagawa nitong May 14, 2025 sa Kabacan, Cotabato ang Bangsamoro Recruitment and Employment Agency Development Orientation para sa mga kawani at mga representatibo ng mga foreign recruitment agencies at mga job placement facilitators sa Bangsamoro SGA

Katuwang ng regional officials ng Ministry of Labor and Employment-BARMM sa pag-organisa ng naturang orientation activity si MoLE-BARMM-SGA Field Office Head Moctar Macalipat.

Ang MoLE-BARMM ay may ipinapatupad na regional law — ang Bangsamoro Autonomy Act 9 — na nagsasaad na dapat may kaukulang pahintulot mula sa regional government ang mga job placement agencies sa autonomous region bago makagpagsagawa ng recruitment sa alinmang lugar sa teritoryo ng Bangsamoro region.

Kailangang makakuha muna ng accreditation, bilang pahintulot mula sa MOLE-BARMM ang recruitment agencies sa autonomous region bago makapagsagawa ng recruitment ng mga residente ng rehiyon para sa mga trabaho sa ibang bansa. Ang naturang accreditation ay may tagal na tatlong taon at kailangang ma-renew tuwing tapos na ang validity periods ng mga ito. (MAY 24, 2025)