Guwardiyado na ng mga pulis ang isang pasyente sa Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte matapos hainain ng mga warrants of arrest para sa mga hiwalay na mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder at double frustrated murder nitong Lunes, May 5, 2025.
Sa mga ulat nitong Martes ng Parang Municipal Police Station at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, may mga pulis ng nakabantay sa 31-anyos na si Saddam Lumbos, na kilala din bilang Samin Talib Silongan, na nasa Cotabato Sanitarium Hospital kung saan ginagamot ang kanyang karamdaman.
Si Lumbos ay residente ng Tuka Maror sa Bongo Island na sakop ng Parang, isa sa 12 na mga bayan sa Maguindanao del Norte.
Magkatuwang ang mga operatiba ng Parang police force at ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa pagsilbi ng mga warrant of arrest kay Lumbos mula sa Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City, may lagda ni Judge Annabelle Piang, walang piyansang nirekomenda sa kanyang pansamantalang paglaya. (May 6, 2025)