Pormal na pinasinayaan nitong Sabado, April 26, 2025, ng mga provincial at regional officials ang ilang mga katatapos lang na mga proyekto sa Jolo, Sulu ng Ministry of Transportation and Communications-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Magkatuwang na pinangunahan nila Sulu Gov. Hadji Abdusakur Tan, Sr. at Bangsamoro Transportation and Communications Minister Paisalin Pangandaman Tago ang inagurasyon ng bagong administrative building sa Jolo Airport, ang paglagay ng solar lights sa kapaligiran nito at ang bagong tayo na employees staff house at warehouse sa pier ng Jolo, ang kabisera ng probinsya.
Suportado ng Jolo local government unit at ng tanggapan ni Gov. Tan ang pagpatupad ng MOTC-BARMM at ng dalawang ahensya nito, ang Bangsamoro Ports Management Authority at ang Bangsamoro Airport Authority, gamit ang pondo na mula sa Bangsamoro regional government.
Sa isang dayalogo kaugnay ng launching rite para sa mga nabanggit na proyekto, pinasalamatan ni Transportation and Communications Minister Tago si Gov. Tan sa kanyang patuloy na pagsuporta sa operasyon ng Jolo Airport at Jolo Seaport sa kanyang probinsya.
Dumalo sa ginawang symbolic launching ng mga proyekto sina Major Gen. Leonardo Peña na Commander ng 11th Infantry Division na sakop ang Sulu, Si Lt.Col. Benjamin Usman na representatibo ng Sulu provincial police director na si Col. Jeff Briones Uy at ng mga opisyal ng Philippine Coast Guard, ng Philippine Air Force at ng Bureau of Fire Protection na naka-base sa probinsya. (April 27, 2025)