Hiniling ng pamilya ni Roldan Benito, vice mayor ng South Upi sa Maguindanao del Sur, napatay sa ambush nitong Biyernes, August 2, 2024, sa mga local officials at sa pulisya na magtulungan sa pagkilala sa mga responsable sa naturang krimen upang mapanagot sa kanilang krimen na nagawa.
Sa ulat ng South Upi Municipal Police Station nitong Sabado, August 3, 2024, patay on the spot si Benito at kanyang security aide na si Weng Marcos sa ambush na naganap sa Barangay Pandan sa South Upi.
Sugatan sanhi ng naturang pananambang ang kabiyak ni Benito na si Analyn Benito at kasama nilang menor-de-edad na si Joseph Mutia, parehong ginagamot na sa isang hospital.
Nagtangka pang lumabas sina Benito at Marcos sa kanilang sinasakyan na pick-up truck na pinaputukan ng mga assault rifles ng mga ambushers ngunit isa-isa silang nabuwal dahil sa mga tama ng bala, nilapitan at binaril pang muli upang matiyak na patay nga sila.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng South Upi police force kung sino ang nasa likuran ng naturang krimen. (August 3, 2024)