COTABATO CITY (September 22, 2025) — Abot ng 254 na mga pasyente ang inilikas sa ibang mga gusali matapos na pasukin ng tubig-baha ang Buluan District Hospital sa Buluan, Maguindanao del Sur nitong nakalipas na linggo.

Mismong ang mga apektadong mga pasyente na nailipat na sa ibang mga gusali sa Buluan ang nag-kumpirma sa mga reporters nitong Lunes, September 22, na nagtulungan sa naturang rescue operation ang mga tanggapan nila Maguindanao del Sur Gov. Ali Midtimbang at ng manggagamot na si Mohammad Ariff Baguindali, na siyang namamahala ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao, at ang mga kawani Buluan District Hospital.

Ayon sa mga pasyenteng apektado ng pagpasok ng tubig baha sa Buluan District Hospital, tumulong din sa paglipat sa kanila sa ibang mga gusali sa Buluan ang Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang Buluan local government unit at si Maguindanao del Sur Rep. Esmael Mangudadatu na residente ng naturang bayan.

Ayon kay Sinolinding, magkatuwang na tinututukan ng MoH-BARM and ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao ang kalagayan ng mga pasyente sa Buluan District Hospital na inilikas sa ibang mga gusali dahil sa baha.

Ayon sa mga kawani ng Maguindanao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pinasok ng tubig baha ang Buluan District Hospital umpisa nitong Huwebes ng gabi, September 18, hanggang Biyernes, September 19, kasunod ng malakas at paulit-ulit na ulan sa kapaligiran.

Agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga kawani ng PDRRMO na inilikas ang nasa 254 pasyente kabilang ang mga bata at mga senior citizens na hirap lumakad nitong gabi noong Huwebes at dinala sila patungong Maguindanao provincial capitol building sa nasabing bayan.

Tinungo nitong Linggo ng mga regional officials, sa pangunguna nila Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua at Regional Health Minister Kadil Sinolinding, Jr. ang binahang Buluan District Hospital at ang pinaglipatan ng mga pasyenteng inilikas sa mga gusaling nasa mga ligtas na lugar.

Ayon sa mga local executives sa Buluan, ito ang kaunaunahang pagkakataon na binaha ang loob at kapaligiran ng Buluan District Hospital mula ng ito ay itatag mahigit dalawang dekada na ang nakakalipas.