Isang Grade 7 student ang diumano nalunod habang naliligo sa ilog sa Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ayon sa ulat ng popular na Catholic Station DXMS sa Cotabato City nitong Miyerkules, June 25, 2025.

Ayon sa Station DXMS, patuloy na hinahanap ng mga otoridad ang isang 13 anyos na batang babae na nalunod sa tabing ilog ng Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Naganap ang insidente mag-a-alas singko ng hapon kahapon, June 24, 2025.

Sa initial na impormasyong nakalap ng Radyo Bida, naliligo sa ilog si Alyas Amalia, 13 anyos ngunit bigla itong napunta sa malalim na bahagi ng ilog.

Nasaksihan ito ng kanyang pinsan na si Alyas Alaisa, 21 anyos, ngunit tuluyan nang naglaho ang batang babae.

Ang nanay ng 13 anyos ay nasa ibang bansa at naninirahan lang siya sa Barangay Taviran dahil kasalukuyan itong nag-aaral.

Sinabi naman sa Radyo Bida ngayong umaga ni PDDRMO Head Nashrullah Imam na magsasagawa sila ng search, rescue, ang retrieval o SRR operation upang mahanap ang bata. (Source: Catholic Station DXMS, Cotabato City, June 25, 2025)