Nasa kustodiya na ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang isang dating pulis na primary suspect sa pagpatay nitong December 1, 2024 ng isang pulis sa parking area ng isang mall sa Cotabato City.

Kinumpirma ng local officials, ilan sa kanila mga kasapi ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council, ang pagkakaaresto ng mga operatiba ng ibat-ibang units ng PRO-BAR kay Abdulpata Maguid Pantacan, 33-anyos, suspect sa pamamaril-patay kay Police Senior Master Sergeant John Manuel Bongcawil sa parking area ng City Mall sa Governor Gutierrez Avenue sa Cotabato City limang buwan na ang nakakalipas.

Maliban sa kinakaharap na kasong murder sa Regional Trial Court Branch 27 sa Cotabato City, wanted din si Pantacan sa kasong carnapping na nakabinbin sa RTC Branch 43 sa Koronadal City sa South Cotabato.

Ayon kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng PRO-BAR, nasukol si Pantacan ng mga operatiba ng mga units ng PRO-BAR at mga kasapi ng Cotabato City Police Office, pinamumunuan ni Col. Jibin Bongcayao, malapit sa Queen of Peace Church sa Almonte Street sa Cotabato City.

Dating police din si Pantacan na huling nadestino sa provincial police office sa Basilan, isa sa limang probinsya ng Bangsamoro region.

Siya ay nasibak sa pagka-pulis dahil sa pang-aabuso, absence without leave, o AWOL, at iba’t-iba pang mga gawain na labag sa code of conduct ng Philippine National Police.

Ang kanyang diumano napaslang na si Bongcawil ay kasapi ng isang intelligence unit ng PRO-BAR. (June 9, 2025)