Sugatan ang isang engineer na kawani ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region na na-ambush ng mga armado habang sakay ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanila sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte bandang takipsilim nitong Martes, September 16, 2025.

Sa inisyal na ulat nitong Miyerkules ng mga barangay officials at mga imbestigador mula sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station na nagresponde sa insidente, mabilis na nakatakas ang mga tumambang kay Engineer Romeo Ibero Livelo, na engineer 3 ang position sa MSSD-BARMM.

Ayon sa mga kinauukulan, sakay ng kanyang itim na Honda Beat si Livelo ng paputukan ng mga armadong nakaabang sa gilid ng kalye sa Sitio Kapihan sa Barangay Awang.

May teorya ang mga kinauukulan na posibleng tangkang aagawin ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima, katulad ng mga naunang mga ganoong insidente sa Barangay Awang. (September 17, 2025, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)