Patay sa mga tama ng bala ang isang miyembro ng criminal gang na wanted sa ibat-ibang mga kaso na pumalag ng hahainan sana ng mga pulis at mga tropa ng Philippine Marines ng mga warrants of arrest sa Barangay Panggao sa Barira, Maguindanao del Norte nitong Lunes.

Ayon sa mga local officials at traditional leaders sa Barira, naglabas ng granada at baril ang 34-anyos na suspect, si Kamlon Manardas Ragundo, at pinaputukan ang mga magkasanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group at mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-2 ng 1st Marine Brigade na dala ang mga warrants of arrest para sa kanya at kanyang mga kasama kaya napilitan silang gumanti ng putok na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.

May mga nakasampang ibat-ibang high-profile criminal cases, kabilang na ang extortion, multiple murder, armed robbery at narcotics trafficking sa ibat-ibang mga korte sa Cotabato City at sa probinsya ng Lanao del Sur laban kay Ragundo at anim niyang mga kasama na mga armado na hindi naman mga miyembro ng alinman Moro fronts na may mga peace agreements sa MalacaƱang.

Pinasalamatan nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region sina Lt. Col. John Dela Cruz ng MBLT-2 at ang kanyang immediate superior na si Brig. Gen. Romulo Quemado II, commander ng 1st Marine Brigade, sa kanilang suporta sa joint operation ng CIDG at ng mga units ng PRO-BAR na naglalayong maaresto sana ng mapayapa si Ragundo at kanyang mga kasama.

Sa mga hiwalay na ulat, kinumpirma ng mga opisyal ng CIDG Bangsamoro Regional Field Unit at ni Macapaz na may natagpuang dalawang M16 assault rifles, mga bala at mga granada na nakakalat sa kung saan naganap ang engkwentro, naiwan ng mga kasama ni Ragundo na mabilis na tumakas ng makitang napatay siya ng maghahain sana ng warrants of arrest sa kanila. (May 6, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *