Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang miyembro ng Dawlah Islamiya na nanlaban sa mga pulis na bibili sana sa kanya ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Sapakan sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur nitong Lunes, September 29.
Sa ulat ng mga local officials at mga imbestigador ng Radjah Buayan Municipal Police Station, ang napaslang na si Moner Usman ay matagal ng sangkot sa pegbebenta ng shabu at marijuana.
Kasama ang pangalan ni Usman sa listahan ng iba’t-ibang mga police at Army intelligence units sa Maguindanao del Sur ng mga natitirang miyembro ng mahina ng magkaalyadong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nagkakanlong ng mga wanted criminals at mga drug dealers kapalit ng pera.
Sa ulat ng mga local executives at ng mga kasapi ng Radjah Buayan Municipal Police Station, pinamumunuan ni Captain Joel Lebrilla, nahalata ni Usman na mga pulis ang kanyang bebentahan ng shabu sa isang entrapment operation sana sa isang lugar sa Barangay Sapakan at biglang naglabas ng isang 9-millimeter Uzi machine pistol at nagpaputok.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na kanya sanang ka-transaksyon na nagsanhi ng kanyang pagkamatay. Isang pulis ang sugatan sa insidente, ayon sa mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office.
Ayon sa mga municipal officials at mga miyembro ng Radjah Buayan police force, ang nasawi sa shootout na si Usman ay may kinakaharap na anim na mga criminal cases sa iba’t-ibang mga korte sa Central Mindanao. (September 30, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)