Home » Security guard, binaril sa Cotabato City dahil sa utang

Security guard, binaril sa Cotabato City dahil sa utang

Isang security guard sa isang branch ng RD Pawnshop sa sentro ng Cotabato City ang nagtamo ng tatlong mga tama ng bala ng pagbabarilin nitong hapon ng Miyerkules dahil lang diumano sa hindi nabayarang utang.

Ang biktima ng pamamaril, si Dominic Jumawan Villar, 50-anyos, ay nasa isang pagamutan na sa Cotabato City. Siya ay nagtamo ng bala sa tiyan, sa kaliwang braso at sa binti.

Siya ay on-duty sa RD Pawnshop branch sa isang mataong lugar sa Macacua Street ilang metro lang ang layo sa main plaza ng Cotabato City ng lapitan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at pinaputukan ng ilang beses at agad na tumakas ng nakitang nalugmok na ang biktima sanhi ng mga tama ng bala.

Ayon sa inisyal na impormasyong nakalap ng mga imbestigador ng Cotabato City Police Office at batay din sa salaysay ng mga kanyang mga kamag-anak, malaki ang posibilidad na ang nautangan ni Villar ng malaking halaga ng pera dahil sa matinding pangangailangan ang nasa likuran ng tangkang pagpatay sa kanya.

Si Villar, residente ng Tukananes sa Barangay Poblacion 7 sa Cotabato City, ay pinagbantaan diumanong patayin ng kanyang nautangan na matagal ng hindi pa niya nababayaran, ayon sa kanyang mga kamag-anak at mga kapitbahay. (Feb. 20, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *