Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang Grade 11 student na nakapatay sa pamamaril ng isang guro sa Barangay Narra sa Balabagan, Lanao del Sur dahil ibinagsak siya sa grado na labis niyang dinamdam.

Naglalakad patungong Balabagan Trade School sa Barangay Narra ang 34-anyos na gurong si Danilo Barba nitong Lunes ng nakalipas na lang na Linggo, August 4, ng lapitan ng menor-de-edad na suspect, binaril ng ilang beses at agad na tumakas. Agad na namatay sa mga tama ng bala si Barba.

Magkahiwalay na kinumpirma nitong Linggo, August 10, nila Col. Caesar Cabuhat, Lanao del Sur provincial police director, at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na isinuko na ng kanyang mga kamag-anak at mga traditional Maranao community leaders ang suspect sa mga lokal na kinauukulan.

Ang suspect ay nasa magkatuwang na kustodiya na ng Balabagan Municipal Police Station at ng local government unit ng naturang bayan dahil isa itong menor-de-edad.

Umamin na rin sa mga imbestigador ng Balabagan MPS ang suspect na kanyang napatay si Barba dahil hindi siya binigyan ng passing grade sa subject na kanyang hawak nitong final examinations nila, isang balakid sa kanyang enrollment sa pagka-Grade 12 student sa Balabagan Trade School.

Unang nagtago ang suspect sa bayan ng Marogong sa Lanao del Sur ngunit sinundo siya doon ng kanyang nakakatandang kapatid na pulis at iba pang mga kamag-anak at inuwi sa Balabagan upang mapanagot sa kanyang nagawang krimen. (August 10, 2025, Balabagan, Lanao del Sur, Bangsamoro Region)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *